If You Could Read My Heart

Para kay Elvira.
Kung paano tinuruan ni Ella si Carrick na magbasa,
ganoon mo ako tinuruang…
mag-edit ng gawa ko hehe
Maraming-maraming salamat.
Sa lahat.

If You Could Read My Heart by Elise EstrellaIf You Could Read My Heart
Written: 2013
Released: October 2014

Parang namuo sa sikmura ni Ella ang kinain niya nang malamang ang secret crush ni Carrick ang rason kung bakit gusto ng guwapong dyslexic na matutong magbasa.

Ano ba ang inaasahan niya? Na magkakagusto sa kanya ang binata? Hindi mga nerd na English teachers ang kinababaliwan ng mga hunk na image models.

Naiinis siya sa sarili dahil bumuo siya ng mga pantasya kaya heto, disappointed siya. Mabuti at sa simula pa lamang, natauhan na siya. Pera na lang ang habol niya ngayon. Tuturuan niyang magbasa si Carrick. Pagkatapos, bahala na ito sa love life nito. At siya, makakabayad siya ng mga bills sa isang buwan.

Pero kahit ganoon, pakiramdam pa rin ni Ella ay masaklap ang buhay niya….

PREVIEW

Pinindot niya ang doorbell at pinigil ang hininga. Hanapin daw niya si Carrick Tenorio. Siguro, iyon ang ama ng batang tuturuan niya magbasa. Parang ang guwapo lang ng pangalan nito, Carrick. Parang lalaking-lalaki, parang makisig. Para kasing pangalan ng isang knight in shining armor. Sir Car—

“Sorry! Ang bilis n’yo naman mag-deliver—”

Namilog ang mga mata ni Ella at tila nalunok niya ang hiningang pinipigilan nang bumukas ang pinto at isang anghel na bumaba sa lupa para magsaboy ng ligaya sa mga kababaihan ang nabungaran niya.

Isang anghel na tumutulo pa ang basang buhok mula sa shower. Hubad ang malapad nitong mga balikat at ang matipuno nitong dibdib. Wala sa sariling sinundan ng nanlalaking mga mata ni Ella ang isang patak ng tubig habang naglalandas iyon sa pagitan ng pectoral muscles ng lalaki pababa sa abs nito na parang inukit ng isang iskultor hanggang sa i-absorb iyon ng puting tuwalyang nakabalot sa baywang nito at hawak lang ng kamay na nasa dulo ng isang maskuladong braso.

Mariing pumikit si Ella at tumalikod, namumula ang mukha at naninikip ang dibdib. Hihikain yata siya.

“I’m sorry!” sabay nilang bulalas ng lalaki.

“I’m sorry!” ulit nito. “Ikaw ba si Elvira? I’m sorry, I’m sorry.”

“Pasensya na po,” sabi niya na nakakapit sa harapan ng kanyang blusa na para bang natatakot siyang biglang kumawala ang mga butones ng suot niya.

“Hindi, okay lang. Akala ko kasi ikaw ’yung nagde-deliver ng pizza. Shit. Pasensya ka na. Pumasok ka na muna, magbibihis lang ako. Five minutes.”

“Ahm—”

“Five minutes, promise. Pasok ka na. Pakisara ’yang pinto pagpasok mo.”

Napakagat-labi si Ella at mabagal na lumingon. Naabutan niya ang pagmamadali ng lalaki pabalik sa silid marahil nito. Kasing-ganda ng harap ang likod nito. Maskulado ang mga balikat, maganda ang hubog ng likod. At sa pagkilos nito, kung paano humapit sa pang-upo nito ang tuwalya, gustong tumirik ng mga mata ni Ella sa hubog ng puwit nito.

Pumasok siya at isinara ang pinto. Pakiramdam niya nagbubutil-butil ang pawis sa noo, ilong at upper lip niya. Bumuga siya ng hangin at pinigilan ang sariling alisin ang salamin sa mata para punasan dahil nag-fog yata iyon.

Hindi alam ang gagawin, nanatili siya sa tabi ng pinto at pinagmasdan ang condo. Malawak iyon, two-bedroom at may floor-to-ceiling windows sa isang banda na nagpapakita ng Makati skyline. Masculine ang mga kagamitan pero napaka-spartan ng lugar. Parang nabili ito ng may-ari na fully furnished at hindi man lang naisipang gawing personal.

Napakalinis din. Walang kalat. At least, walang kalat na nagsasaad na may batang hindi pa marunong magbasa na nakatira sa lugar na iyon.

Hindi kaya nagkamali siya ng pinuntahan?

Napalundag siya nang magbukas nang muli ang pinto ng silid at lumabas si Mr. Fallen Angel. Nakasuot na ito ng cargo shorts at isang T-shirt na nagtatago sa umbok ng mga muscles nito.

Gayunpaman, hindi pa rin nakagalaw si Ella mula sa kinatatayuan. Dahil ngayong hindi na nakalantad ang muscles nito, sa mukha na ng lalaki natuon ang atensyon niya.

May mga lalaki kasing naghuhumiyaw sa ka-macho-han na nakakatakot na pero si Carrick Tenorio, matabang ang sabihing guwapo ito. He was… beautiful in a fully masculine way. Mukha itong boy-next-door na may itim na itim na buhok at light brown na mga mata. Tuwid at matangos ang ilong nito at maganda ang hugis ng mga labi. Para itong isa sa mga models na makikita mong naka-brief sa billboard sa EDSA-Guadalupe kapag nakasakay ka ng MRT…

Teka, Diyos ko…

“Hi,” bati nito na may maliit na ngiting nag-aalangan. “Pasensya ka na. Nagkamali ako sa timing ng shower ko. Galing kasi ako sa trabaho. Ayaw naman kitang kausapin na hindi man lang ako naligo.”

“Okay lang,” sabi niya na pinilit mag-relax. Hindi siya nagkakamali at hindi siya namamalik-mata. Kung hindi man niya kilala ang mukha nito masyado, kilala niya ang abs nito. Ito nga ’yung isa sa mga underwear models na may billboard sa EDSA! “Ikaw si Mr. Tenorio?”

Ngumiti ito at dumerecho sa puso ni Ella ang ngiting iyon. “Oo, pero tawagin mo na lang akong Carrick or Rick. Ikaw si Elvira Castro?”

Tumango siya. “Ella.”

Lumapit ito sa kanya at agad niyang naamoy ang sabon at shampoo sa balat at buhok nito. Inilahad nito ang kamay. “Nice to meet you, Ella.”

Inilagay niya ang palad sa kamay nito. “Nice to meet you, too.”

Pinisil nito ang kanyang kamay bago iyon pinakawalan. “Maupo ka muna. Ano’ng gusto mong inumin? Iced tea? Juice? Softdrink?”

“Ah, kahit ano na po.”

Tumawa ito. “Huwag mo na akong i-po, ito naman. I’m only twenty-eight.”

Hindi nakagalaw si Ella habang pinanonood ang lalaki na magtungo sa kusina ng unit. Pero nang lingunin siya nito, nagkunwari siyang sanay na naiiwang mag-isa kasama ng mga guwapo sa isang condo unit. Naupo siya sa sofa.

“Mr.—Ah, Rick. Nasaan ’yong itu-tutor ko?”

Hindi agad sumagot ang lalaki. Pinanood niyang maglagay ito ng dalawang bote ng Sola Iced Tea at dalawang baso sa isang tray bago iyon dinala sa kanya sa sofa. Ibinaba nito ang tray sa coffee table na kinapapatungan ng isang file folder. Naupo ito sa kabilang dulo ng sofa.

“Actually, ’yan ang dahilan kung bakit kita kailangang makausap muna,” sabi nito nang ipagsalin siya ng iced tea sa isang baso. “It’s a bit complicated. Kailangan mo munang pumirma ng confidentiality agreement bago mo malaman ang mga detalye.”

Iniabot nito sa kanya ang baso bago kinuha ang folder. Humila ito ng isang piraso ng papel na may print out bago iyon iniabot sa kanya.

Muli niyang ibinaba ang baso at binasa ang confidentiality agreement. Basic lang naman ang nakalagay roon. Madali lang intindihin kahit hindi abogado ang magbabasa. Nakasaad lang doon na walang makakalabas sa pag-uusapan nilang dalawa ngayong gabi. Kung pipirmahan niya iyon, hindi naman ibig sabihin isasangla niya rito ang kaluluwa niya.

Sinulyapan niya ang lalaki bago kinuha ang ball pen na nasa tabi ng folder at nilagdaan ang agreement.

“Okay,” sabi niya na muling kinuha ang baso ng iced tea. “Naiintriga na ako. Sino ba ang tuturuan kong magbasa?”

Nanatiling nakatuon sa kanya ang mga mata ni Carrick. “Ako,” sagot nito. “Ako ang tuturuan mong magbasa.”

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s